(Sa opening salvo ng PBA 45th season) BEERMEN VS HOTSHOTS

basketball

DAHIL sa commitment sa Gilas program, gagamitin ng Philippine Basketball Association (PBA) ang parehong format noong nakaraang taon sa pag-arangkada ng 45th season nito simula sa Marso 1.

Magsisimula ang 2020 playing calendar ng liga sa pamamagitan ng season-opening Philippine Cup sa Smart Ara­neta Coliseum kung saan sisimulan ng five-time defending champion San Miguel Beer ang title retention bid nito laban sa  Magnolia sa nag-iisang laro sa opening night.

Ang All-Filipino Cup ay tatagal hanggang Hun­yo na agad susundan ng Commissioner’s Cup na tatampukan ng imports na may height limit na 6-foot-10.

Ang season-ending Governors’ Cup ay pagbibidahan naman ng imports na may taas na 6-foot-5 at pababa at ina­asahang muling mag-o-overlap hanggang Enero 2021.

Ayon kay PBA Board chairman Ricky Vargas, ang pagpapatupad ng parehong set-up mula sa nakaraang season ay kinakailangan lalo na’t muling mag-a-adjust ang iskedyul ng liga sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup 2021 qualifiers na magsisimula ngayong Pebrero.

“We’re trying to move from a calendar year to a flexible year,” wika ni Vargas sa annual planning session ng Board na natapos noong Biyernes.

“We’re going to extend to January 2021 because this (calendar) will accommodate the window of qualifiers for the FIBA Asia Cup. So we organized it on that basis.”

Ang format para sa Philippine Cup (March 1-June 17) ay uusad ang top eight teams sa quarterfinals, kung saan ang top two teams sa pagtatapos ng  eliminations ay magkakaroon ng twice-to-beat advantage laban sa eight at seventh seeded teams.

Makakasagupa ng no. 3 team ang no. 6 at no. 4 ang no. 5 sa best-of-three series.

Ang apat na koponan na makalulusot ay magbabakbakan sa best-of-seven semifinals at ang malalabing dalawa ay maghaharap sa best-of-seven finals.

Ang parehong set-up ay gagamitin sa mid-season Commissioner’s Cup (June 24-October 4), bagama’t ang semifinals ay best-of-five, at ang finals ay best-of-seven.

Magpapahinga ang liga sa July 10-12 para sa annual All-Star game sa Passi, Iloilo.

Sa ikatlong sunod na season ay walang laro ang PBA sa Christmas Day. CLYDE MARIANO

Comments are closed.