LABINDALAWA sa 14 na munisipalidad sa Oriental Mindoro ang apektado ng oil spill na nagmula sa lumubog na MT Princess Empress, ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Sa situational report na inilabas nito noong Biyernes, sinabi ng DENR na umabot na ang oil slick sa Bansud, Bongabong, Bulalacao, Calapan City, Gloria, Magsaysay, Mansalay, Naujan, Pinamalayan, Pola, Roxas, at San Jose.
Idineklara na ang state of calamity sa mga lugar sa lalawigan na naapektuhan ng spill mula sa tanker na may lulang mahigit 800,000 litro ng industrial fuel oil nang lumubog ito sa Naujan noong nakaraang Feb. 28.
Bukod sa Oriental Mindoro, ang oil spill ay umabot na rin sa Palawan, Antique, at Batangas.
Ilang bansa, kabilang ang United States, Japan, at South Korea ang tumulong na sa oil containment efforts ng Pilipinas.