(Sa overpricing, hoarding ng PPE) ABUSADONG NEGOSYANTE ARESTUHIN

Precious Castelo

NANAWAGAN  si Quezon City Rep. Precious Castelo sa mga awtoridad na arestuhin ang mga mapag-samantalang negosyante na nag-o-overprice at nagho-hoard ng face masks, alcohol at mga personal protective equipment (PPE).

Ito’y kasunod ng reklamo ng mga opisyal ng Lung Center of the Philippines na ang presyo ng kada piraso ng PPE na nagkakalahalaga lamang dapat ng P500 ay ibinebenta ng P3,000 sa black market.

Giit ni Castelo, ilegal ang overpricing, profiteering at hoarding, lalo na ngayong deklarado ang public health emergency.

Dapat lang aniyang mahuli ang mga ito at kumpiskahin ang kanilang mga produkto para magamit ng frontliners na nangangailangan nito.

Ayon sa kongresista, kaya namang matukoy ng Department of Trade and Industry (DTI) at ng Bureau of Customs (BOC) ang mga negosyanteng ito, mapa-local manufacturers o importers.

Bukod sa Lung Center, dumadaing na rin ang Philippine General Hospital at iba pang ospital sa kawalan ng PPE.

Ipinunto ni Castelo na available naman ang mga produktong ito, pero halos anim na beses na mas mahal sa orihinal na presyo dahil sa pananamantala ng ilan. CONDE BATAC

Comments are closed.