SINABI ni Senador Win Gatchalian na ang mga lupang pang-agrikultura at teritoryo ng mga katutubo ay hindi dapat saklawin ng kahit na anong pagbabago sa Saligang Batas na magbibigay-daan sa ganap na pagmamay-ari ng dayuhan sa mga lupain sa bansa.
“Habang sinusuportahan natin ang mga patakaran upang makaakit ng mga dayuhang mamumuhunan na tutulong sa pagpapatibay ng lokal na paglago ng ekonomiya, hindi natin dapat pahintulutan na mawalan ng pagkakakitaan ang ating mga magsasaka at mga katutubo,” sabi ni Gatchalian.
Binigyang-diin ng senador ang puntong ito bilang tugon sa pahayag ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) na nagsasaad na ang pag-amyenda sa Konstitusyon ay maaaring maglantad ng tinatayang 14.2 milyong ektarya ng mga alienable at disposable public lands, batay sa datos ng National Mapping at Resource Information Authority, sa posibleng 100% na pagmamay-ari ng mga dayuhan.
Ayon kay Gatchalian, ang pagtanggal ng karapatan sa mga magsasaka sa pagbubungkal ng mga lupang pang-agrikultura ay magdudulot ng mas malaking problema para sa bansa dahil ito ay magpapalala sa kawalan ng pagkain, lalo na’t ang bansa ay isang net importer ng mga pangunahing produktong pang-agrikultura, kabilang ang bigas at iba pang mahahalagang bilihin.
“Hindi natin mapapayagan na pigilan ang mga magsasaka sa pagtatanim dahil maraming magugutom. Taliwas ito sa inaasam-asam natin na pag-unlad ng buong bansa,” sabi ng senador.
Binigyang-diin pa niya na ang pagpapaalis sa mga katutubo sa kanilang nasasakupan ay magdudulot ng problema sa pabahay at maaaring mauwi sa kaguluhan.
Aniya, may mahalagang papel ang mga katutubo sa pangangalaga ng lupa, na isang mahalagang bagay laban sa climate change at mga layunin sa pagbuo ng resilience sa mga natural na kalamidad.
Nauna nang sinabi ni Gatchalian na lubos niyang sinusuportahan ang mga talakayan sa pag-amyenda sa 1987 Constitution ngunit ang naturang mga pag-uusap ay dapat na limitado sa mga probisyong pang-ekonomiya. VICKY CERVALES