(Sa pag-endorso sa next PNP chief) ALBAYALDE GINIGIBA

PNP-Chief-Dir-Gen-Oscar-Albayalde

NAGHIHINALA si Philippine National Police (PNP) Chief,  PGen.  Oscar Albayalde na may kaugnayan sa kanyang endorsement sa hahalili sa kanya bilang hepe ng Pambansang Pulisya kung bakit tila ginigiba ang kaniyang reputasyon.

Kasunod ito ng paghalungkat sa dating kaso ng kanyang 13 tauhan noon pang 2013 habang siya ang hepe ng Pampanga Police gayung malapit na siyang magretiro.

Si Albayalde ay nanindigang tatapusin ang kanyang termino hanggang Nobyembre 8, sa pagsapit ng mandatory retirement age na 56 at ginawaran na ng testimonial parade sa Philippine Military Academy sa Fort Del Pilar, Baguio City noong Setyembre 28 bilang alumni at mi­yembro ng Class 1986.

Gayunman mahigit 30 araw bago ang kaniyang retirement ay nakaladkad sa isyu ng ninja cops o mga pulis na sangkot sa drug recycling makaraang ihayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director Aaron Aquino sa Senate hearing na kaya talamak ang droga ay dahil nag-exist pa rin ang ninja cops hanggang maungkat ang kaso ng dating mga tauhan ni Albayalde sa Pampanga, anim na taon na ang nakalilipas.

Ang 13 tauhan ni Alba­yalde ay nakasuhan at naparusahan na kung saan si Ret.Gen. Benjamin Magalong,  dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nag-imbestiga.

Sa nasabing usapin, hindi nakasuhan si Albayalde noon.

At ito ang ipinagtataka ng PNP chief sa mga rebelasyon ni Magalong na kung kailan siya bababa sa puwesto at kailangang mamili ng papalit sa kanya ay saka nakaladkad sa kontrobersiya ang kanyang pagkatao.

Aniya,  welcome sa kanya ang rason ni Magalong na gusto ng katotohanan at ang sinasabi niyang right versus wrong subalit sana  kung may nagawa siyang kasalanan noon sana ay may ginawa si Magalong na noong 2014  ay director ng Directorate for Investigative and Detective Management (DIDM) noong siya ay naka-float ng walong buwan.

“If and when I had those lapses remember I was floating for 8 months. He could have done everything until probably my dismissal, he had all the power. It’s very confusing, it raises a lot of questions. I was not made to occupy a position for 8 months. I have nobody with me except my family. Why was I never charged both criminally and administratively?” ayon pa kay Alba­yalde.

Dahil aniya nalilito siya sa rebelasyon nina Magalong at Aquino na kanyang mga upperclass sa PMA,  isa sa posibilidad na isyu sa pagpili o pag-endorso niya sa susunod na PNP chief ang motibo sa pagsira sa kanyang reputasyon.

“I can only surmise because I am about to retire and probably it has something to do with the person who wants to be the next chief,”  dagdag pa ni Albayalde.

Tinawag din nitong kiss of death ang kanyang pag-endorso sa posibleng pumalit sa kanya.

Subalit ang nakalulungkot aniya ay hindi lang siya ang nasisira kundi ang kanyang mga tauhan o ang buong PNP.

Sinagot din ni Albayalde ang panawagang mag-resign  o leave of absence at sinabing kanya muna itong isasangguni kay Pangulong Rodrigo Duterte at sa komento ng pangulo nakasalalay ang kanyang susunod na hakbang dahil kanyang nirerespeto ang Chief Executive.

” I will ask the President for this and wait for the decision of the President,” ani PNP chief.

Nagpasalamat din si Albayalde sa Senado dahil sa pagiging balanse na pag-iisip.  “I am very thankful to the senators for balanced thinking and all,” sabi pa ni Albayalde. EUNICE C.

Comments are closed.