NANAWAGAN si Senadora Imee Marcos sa pamahalaan na tiyakin na may iba pang mapagkukunang pondo bilang suportang pinansiyal sa mga mahihirap para maiwasan ang anumang kaguluhan, sakaling ma-extend pa ang lockdown matapos ang Abril 30.
Ayon kay Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, tinatayang nasa P550-billion pa ang maaaring maidagdag sa kasalukuyang P200-B emergency budget na ginagamit ngayong cash aid.
Paliwanag ni Marcos, dapat kumilos agad ang Department of Finance (DOF) sa pagkuha ng mga loan at samantalahin ang pagkakataong may mababang interest rates ang mga bangko dahil posible pang tumagal ng ilang buwan ang krisis sa COVID-19.
“Hindi economic target ang dapat hinahabol natin ngayon kundi buhay ng tao. Bakit kasi nagkukuripot ang DOF kung marami namang puwedeng pagkunan ng pondo?” ani Marcos.
Kaya panawagan ng senador sa DOF, maaari pa itong makautang ng aabot sa P440-B na pasok pa rin sa ‘manageable debt ceiling na 5.4%’ mula sa kasalukuyang 3.2 percent na minamantina ng gobyerno.
Bukod dito, maaari rin aniyang magamit na karagdagang pondo ang hindi nagamit na pera mula sa 2019 national budget, calamity at contingency funds ng bawat ahensiya at departamento ng pamahalaan tulad ng PAGCOR, PCSO, PhilHealth, at Office of the President.
Dagdag ni Marcos, posible pang tumaas ang bilang ng mga magpo-positibo sa COVID-19, lalo’t sisimulan na ng Department of Health (DOH) ang mass testing at pagbabantay sa progreso nito.
“Ngayong Abril pa lang natin malalaman kung ano ang totoong sitwasyon, lalo na ang mga kasong hindi naitala dahil sa dating kakulangan ng mga test kit. Hindi imposible na aabot ng May or June ang lockdown para sa kapakanan ng lahat,” dagdag ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.