(Sa pagbaba ng alerto) MANDATORY REPATRIATION OFWs SA LEBANON AT IRAN BINAWI

Silvestre Bello III

MAYNILA – PINAWI ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pangamba ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Iran at Lebanon sa biglaang pagpapauwi.

Ito, ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III ay dahil hindi na saklaw ng mandatory repatriation ang mga manggagawang Pinoy sa nabanggit na mga bansa kasabay ng pagbaba ng alert level sa Middle East.

“Sa ngayon pareho pa rin ang level ng alert para sa Iran, Iraq, at Lebanon —[Alert Level] 4. Ngunit hindi pa ito opisyal at inabisuhan ako kahapon na ang alert level sa Lebanon ay ibinaba na sa level 2 habang wala ng alert level sa Iran,” ayon kay Bello.

Gayunman, binigyang diin ni Bello na ang ban sa mga bagong ipadadalang mang­gagawa ay mananatili dahil ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ay hindi muna magpoproseso ng mga aplikasyon sa dalawang nasabing bansa.

Samantala, ang mandatory evacuation para sa mga OFW sa Iraq ay kasado pa rin, dagdag pa niya. Ipinapatupad pa rin ang deployment ban dito.

Ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang nagtatakda ng level alert at naglalabas ng mga abiso sa mga Filipino para sa kanilang kaligtasan at seguridad.

Ang Alert level 4 at nangangahulugan ng mandatory repatriation para sa mga Filipinong manggagawa sa mga lugar na may krisis.

Ang pinakamataas na alert level ay inis­yu sa Iraq at Iran noong nakaraang araw kasunod ng pambobomba ng Iran sa mga US bases sa Iraq bilang pagganti sa pagkakapatay ng US sa isang Iranian military comman­der. PAUL ROLDAN

Comments are closed.