SA PAGBABA NG GLOBAL OIL PRICE, PISO VS DOLYAR LUMAKAS

PESO VS DOLLAR

LUMAKAS ang Philippine peso laban sa dolyar sa likod ng pagbaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado.

Ang local currency ay nakabawi ng 26.5 centavos upang magsara sa P53.700:$1 mula sa 53.965 noong Huwebes.

“The peso strengthened today after the global crude oil prices eased to a one-month low,” wika ni Rizal Commercial Banking Corp. lead economist Michael Ricafort.

“Global benchmark Brent crude is now trading below the $80-per-barrel threshold at $79.65 a barrel.”

Ayon kay Ricafort, makatutulong ito upang mabawasan ang oil imports ng bansa at mapahupa ang inflationary pressures, na magpapalakas sa piso.

“The seasonal increases in the conversion of overseas Filipino remittances to peso for tuition payments for the next semester and for Christmas-related spending also helped the recent gains of the peso exchange rate,” sabi pa niya.

Week-on-week, ang piso ay lumakas ng 43 centavos mula sa P54.13:$1 noong Oktubre 12. Ang piso ay mas mahina ng P3.89 mula sa P49.81 noong Enero 3, ang unang araw ng trading day noong 2018.