(Sa pagbabalik school sa Nobyembre) PAGBAKUNA SA STUDES HINDI MANDATORY

IGINIIT ng Department of Health (DOH) na hindi mandatory ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga bata para makabalik sa paaralan.

Ito’y kasunod ng nakatakdang face-to-face classes sa mga paaralan sa buong bansa sa Nobyembre.

Pinawi naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang pangamba ng mga magulang at nilinaw na hindi magiging kondisyon ang pagbabakuna sa mga bata.

Sa inilabas na datos ng DOH, nasa 3.7 million o 34% pa lang ng 5-11 years old ang nakatanggap ng primary series habang nasa 107% naman para sa age group na 12-17 years old.

Bunsod nito, maglatatag ang kagawaran ng vaccination site sa mga paaralan upang mailapit sa mga bata.

Inilabas na ng Department of Education ang kalendaryo para sa Academic Year 2022-2023.

Magsisimula sa Hulyo 25 ang enrollment para sa nasabing school year.

Alinsunod sa DepEd order number 34 na nilagdaan ni Vice President at Deped Sec. Sara Duterte, magsisimula ang klase sa Agosto 22 at matatapos ito sa Hulyo 7, 2023.

Papayagan ang mga paaralan na magsagawa ng blended learning schedules at full-distance learning hanggang Oktubre 31, 2022.

Pagsapit naman ng Nobyembre 2, dapat nang umpisahan ng lahat ng pampubliko at pribadong paaralan ang limang araw sa isang linggo na face-to-face classes.