(Sa pagbaligtad ng 2 aktibista) WALANG ‘BLUNDER’ SA HANAY NG MILITAR

HINDI palalagpasin ng Department of National Defense (DND) kung sinuman ang may pakulo sa likod ng pagbaligtad ng dalawang student environmental activist at inakusahan ang militar na responsable sa pagdukot sa kanila.

Tiniyak kahapon ni Philippine Army chief Lt. Gen Roy Galido na walang “blunder” na naganap sa kanilang hanay sa biglang pagbaligtad nina Jhed Tamano at Jonila Castro kapwa nagsasabing mga environmental activist sila.

Taliwas ito sa ilang dokumentong nakalap ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na isa sa kanila ang apat na taong ng nakapaloob sa kilusan (CPP-NPA-NDF) at umanib sa hukbo.

Ayon kay Galido, ang pakiramdam nila ay nalinlang sila subalit dahil malinis naman ang kanilang intensiyon na tumulong lamang ay tiyak na mananaig ang katotohanan.

Nabatid na pinag-aaralan na ng militar ang paghahain ng kaso laban sa dalawang mga aktibista upang lumitaw ang katotohanan at alamin kung may ugnayan din ang dalawa sa CPP-NPA Terrorist Group.

Kailangan umanong mapatunayan na walang symbiotic relation sa pagitan ng radicalism at terorismo na tila pinaglalaruan nina Tamano at Castro. VERLIN RUIZ