TINUTULAN nina Senators Ronald ‘Bato’ Dela Rosa at Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang planong pagdulog sa Korte Suprema para kuwestiyunin ng Senado ang kapangyarihan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa pagbasura sa Visiting Forces Agreement (VFA).
Ayon kay Dela Rosa, hindi niya susuportahan ang hakbang ng ilang kasamahang senador na kuwestiyunin sa SC ang ginawang pagbasura ng Pangulo sa VFA sa pagitan ng Filipinas at Estados Unidos.
Naniniwala si ‘Bato’ na tanging ang Pangulo lamang ang may kapangyarihan na ibasura ang VFA o anumang tratadong pinasok ng Filipinas.
Aniya, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na hindi na kailangan pa ng concurrence ng Senado para sa pagbasura o pag-atras sa tratado.
Sa panig naman ni Pimentel, hindi rin siya sang-ayon sa plano ng ilang senador, subalit inamin nito na hindi pa niya nababasa ang naturang petisyon na naglalayong kuwestiyunin ang naging hakbang ng Pangulo. VICKY CERVALES
Comments are closed.