TULUYAN ng ibinasura ng gobyerno ng Qatar ang tinatawag na “kafala” system kaugnay sa pagtanggap ng mga migranteng manggagawa, isang hakbangin na itinuturing ng Department of Labor and Employment bilang “giant step tungo sa paglinang ng kondisyon ng trabaho ng mga Pilipinong manggagawa sa naturang Arab state.
Ang kafala ay ang employment sponsorship system na ginagamit upang mabantayan ang mga migranteng manggagawa na nagtatrabaho sa sektor ng konstruksyon at lokal sa mga Gulf Cooperation Council member state at iilang kalapit na bansa tulad ng Bahrain, at Kuwait. Ang sistema ay nag-aatas sa mga migranteng manggagawa na kumuha ng pahintulot mula sa kanilang employer sa oras na naisin nilang magpalit ng trabaho.
“Nais naming pasalamatan ang state of Qatar para sa mahalagang pagbabago na ito sa kanilang employment law. Malaking hakbangin ito upang linangin ang kondisyon ng trabaho ng mga migranteng manggagawa higit lalo ang ating mga OFW,” ani Labor Secretary Silvestre Bello III.
Mula sa ulat sa Philippine Overseas Labor Office Qatar, sinabi ni Bello na ang gobyerno ng Qatar ay nagpasa ng Decree Law Nos. 18 at 19 of 2020 na nagpapalit sa mga probisyon ng Labor Law No. 14 at 21 series of 2004 na nagbibigay pahintulot sa lahat ng mga migranteng manggagawa na magpalit ng kanilang trabaho bago matapos ang kanilang kontrata kahit hindi pa sila makakuha ng “No Objection Certificate “(NOR) mula sa kanilang kasalukuyang employer, at magbigay ng paglilinaw para sa ‘termination of employment.’
Sinabi pa ni Bello, ang mga pagbabagong ito ay magbibigay benepisyo sa mga OFW sa Qatar, partikular sa mga nawalan ng trabaho dulot ng COVID-19 pandemic kung saan mabibigyan ang mga ito ng kalayaan at proteksyon upang makahanap ng bagong oportunidad sa trabaho.
Ayon sa POLO, ang bagong batas ng Qatar ay layong makakuha ng ibat ibang kombinasyon ng mga migranteng manggagawa, protektahan ang kanilang karapatan at tiyakin ang kanilang kaligtasan alinsunod sa human development goal na nakapaloob sa 2030 National Vision ng Qatar.
Kasunod ng bagong labor reform package, nangangako rin ang Qatar na palawakin ang labor market upang magkaroon ng patas na kompetisyon, paigtingin ang pamumuhunan sa local economy, at paunlarin ang ekonomiya.
Tinatayang may 241,000 OFWs sa Qatar na siyang ika-apat sa pinakamalaking destinasyon sa Middle East kasunod ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Kuwait. PAUL ROLDAN
Comments are closed.