PINAG-AARALAN ngayon ng Sangguniang Panglungsod ng Muntinlupa ang hinggil ng pagbabawal sa pagbebenta ng mga gamot sa sari-sari stores bunsod ng naunang paghikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs) sa buong bansa na gumawa ng nationwide ordinance at aprubahan ang naturang polisiya.
Sinabi ni majority floor leader Councilor Raul Corro na ang proposed ordinance ay dumaan na sa unang pagbabasa nitong Pebrero 21.
Ayon kay Corro, dahil nasa Muntinlupa matatagpuan ang Food and Drug Administration (FDA) ay kanila na rin inaanyayahan ang nabanggit na ahensiya ng gobyerno sa public hearing upang mapag-usapan ang naturang bagay.
Sinabi ni Corro na ginawa ng DILG ang proposal makaraang makatanggap ang ahensiya ng report tungkol sa nagkalat na pekeng gamot na ibinebenta ng mga maliliit na tindahan o sari-sari stores.
Idinagdag pa ni Corro na kailangang protektahan ng lungsod ang kalusugan ng mga residente kung kaya’t sisiguruhin ng konseho na ang mga sari-sari stores na kanilang nasasakupan ay hindi nagbebenta ng kahit anong uri ng gamot dahil alinsunod sa batas ay hindi sila awtorisadong magbenta nito.
Base sa Section 30 ng Republic Act No. 10918 (Philippine Pharmacy Act), ang mga pinapayagan lamang ng FDA na magbenta ng gamot at medisina sa publiko ay ang mga lisensiyadong retail drug outlets o pharmacy.
Nito lamang nakaraang Pebrero 14, iniulat ng FDA na mula sa pagitan ng Enero 13 hanggang Pebrero 11 ay nakatanggap sila ng 185 na reklamo tungkol sa mga sari-sari store na ilegal na nagbebenta ng gamot kung saan 78 sa mga ito ay nakumpirmang guilty habang 9 na tindahan ang napag-alamang nagbebenta ng pekeng gamot para sa COVID-19.
Ito ang naging dahilan kung bakit nag-request ang FDA sa DILG na himukin ang mga LGU na magpasa ng ordinansa sa pagbabawal sa pagbebenta ng kahit anong uri ng gamot sa sari-sari stores.
MARIVIC FERNANDEZ