(Sa pagbubukas ng 19th Congress) ANTI-ENDO BILL BUBUHAYIN

NAIS ni Senador Jinggoy Estrada na tuldukan na ang illegal contractualization sa bansa sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang batas hinggil dito sa pagbubukas ng 19th Congress.

Sinabi ni Estrada na nakatakda niyang pamunuan ang Senate Committee on Labor kung kaya matututukan niya ang usapin kaugnay sa anti-endo bill.

Aniya, kailangan ng masusing pag-aaral para buhayin ang anti-endo bill sa 19th Congress.

“Masalimuot ‘yan. Nagkaroon na kami ng committee hearing noon. Siguro we can continue… We have to strike a balance between the laborers and sa mga negosyante,” dagdag ng senador.

Kaugnay nito, nangako si Estrada na isusulong ang hybrid work setup sa pamamagitan ng paghahain ng panukalang magtatatag ng mga karapatan at obligasyon ng mga employer at manggagawa sa ilalim ng naturang sistema.

Gayundin, sa ilalim ng kanyang komite, ipaglalaban ng senador ang kalagayan ng mga manggagawang Pilipino lalo na ang mga inaaping overseas Filipino workers (OFWs).

“In terms of issues, I continue to fight for what is closest to my heart – the plight of the Filipino labor force, whether here or abroad,” giit ni Estrada.

Sinabi ng senador ang ilan sa kanyang mga gagawin sa kanyang pagbabalik sa Senado nang kapanayamin bago ang panunumpa kay Supreme Court Associate Justice Samuel Gaerlan sa Parañaque City noong Martes ng gabi.

Kasama ng senador ang kanyang pamilya at mga magulang na sina dating Pangulong Joseph ‘Erap’ Estrada at dating Senadora Luisa Ejercito.
Dinaluhan din ng iba’t ibang kilalang personalidad ang naturang oath-taking. VICKY CERVALES