HIHINGIN ng Department of Education (DepEd) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang paglilinaw nito kaugnay sa naging pahayag na pagbubukas ng klase sa Hunyo pagbalik nito mula Estados Unidos.
Ito ay matapos sang-ayunan ng Pangulo ang hiling ng Teacher’s Dignity Coalition (TDC) na madaliin ang pagbabalik ng klase sa buwan ng Hunyo.
Sa isang pahayag, sinabi ni DepEd Spokesperson USec. Michael Poa na nagkasundo naman ang mga stakeholder na gawing dahan-dahan ang pagbabalik sa Hunyo ng pagbubukas ng klase.
Aniya, mula sa orihinal na 5 taon na napagkasunduan sa mga ikinasang konsultasyon, naibaba na ito sa 2 taon upang hindi malagay sa kompromiso ang kapakanan ng mga estudyante at guro kung iiklian ang panahon ng kanilang bakasyon.
Kasunod nito, muling tiniyak ng DepEd na ginagawa nila ang lahat upang maisakatuparan ang napagkasunduang ibalik sa Hunyo ang pagbubukas ng klase pagsapit ng school year 2026-2027.
P ANTOLIN