SA PAGBUBUKAS NG LAS PIÑAS, ZAPOTE RIVER DRIVES ROAD PROJECTS, TRAPIKO LULUWAG

LAS PIÑAS, ZAPOTE RIVER DRIVES ROAD PROJECTS

INAASAHANG maiibsan  ang pagsisikip ng trapiko ngayong Holiday season  sa mga pangunahing lansangan sa Las Piñas at mga karatig-bayan at munisipalidad matapos  buksan sa motorista ang second phase ng Las Piñas at  fourth phase ng Zapote River Drives road projects.

Pinangunahan ni Senadora Cynthia A. Villar at anak na si Camille Villar ang inauguration ng  partially completed  Phase 2 ng Las Piñas River Drive, 600-meter road na nag-uugnay sa CAA Bridge sa Manuela 4B.

Dadaan ito sa Villanueva, Dela Cruz at Batibot compounds sa pamamagitan ng Daimar Subdivision at magtatapos sa Manuela 4B. Sa sanda­ling matapos, sakop ng buong  1.2 kilometers Phase 2 ng road project ang paanan ng CAA Bridge hanggang Carmella 3D Bridge.

May 1.7 kilometers ang first phase ng gawaing ito. Sumasakop ito sa Navas Road at dumadaan sa Doña Julita Subdivision patungong C5 Extension Road.

Layunin ng Las Piñas River Drive projects na bigyan ang homeowners at travellers ng alternate route  na nag-uugnay sa  CAA Bridge sa C5 Extension Road. Dahil dito, makaiiwas ang mga motorista sa matrapik na lansangan sa siyudad.

Binuksan din ng mga Villar  ang  1.2 kilometer Phase 4 ng Zapote River Drive na dumadaan sa Manuela Subdivision, Samanta Village, Christian-ville Subdivision sa TALON 5, at tatawid sa Soldiers Hills 2 at Almanza 1 subdivisions.

Pinasinayanan noong nakaraang taon ang Phase 3 ng road undertaking na sumasakop sa buong kilometro ng flood control structures at improvements mula Pegasus St., Moonwalk, Talon 5 hanggang M. Alvarez Avenue.

Ang Phase 1 road project ay nagmula sa Brgy. Zapote hanggang Margie Moran Street patungong Pegasus Street sa Moonwalk Village.

Inaasahan na sa pamamagitan ng Zapote River Drive road project, mababawasan ng 30 porsiyento  ang  travel time mula at patungong  Las Piñas. Matutugunan din nito ang pagbabaha sa naturang siyudad.

Umaasa si Villar na sa pagbubukas ng alternate routes, mas madaling makararating ang mga motorista sa kanilang destinasyon, lalo na sa pagsisimula ng holiday season.

“We would like to express our gratitude to the DPWH for helping the city government in addressing the worsening traffic situation in Las Piñas. The residents of Las Piñas will now have a shorter and more convenient travel time to their destinations,” anang senadora.   VICKY CERVALES