MAS pinapaboran ng isang ranking house official ang pagsasalang sa ‘lethal injection chamber’ kapag binuhay ang pagpataw ng parusang kamatayan sa mga sangkot sa karumal-dumal na krimen.
Sa isang panayam, binigyan-diin ni House Assistant Majority Leader at ACT-CIS partylist Niña Taduran na buo ang kanilang paninindigan na buhayin ang ‘death penalty’ sa bansa.
“Ang ACT-CIS partylist talaga ay nangunguna sa ‘reimposition ng death penalty’ doon sa mga heinous crime such as rape with murder at kapag drug trafficking o involved sa illegal drugs, no mercy iyan sa amin,” tigas na pahayag pa ng lady solon.
Ayon Taduran, ang krimen na panghahalay kasama ang pamamaslang ay talagang hindi ķatanggap-tanggap habang ang talamak na pagtutulak ng droga naman ay sumisira ng maraming buhay, kaya dapat lang na masupil ang sinumang mapapatunayang sangkot sa dalawang uri ng krimen na ito.
Ang pagpapataw ng parusang kamatayan ang siyang nakikita diumano ng ACT-CIS partylist na tutuldok sa insidente ng heinous crimes sa Filipinas.
“Naging saksi naman ako noon at hindi pa naman gaanong katagalan, kahit papaano may takot ang taumbayan na gumawa ng karumal-dumal na krimen nu’ng meron tayong death penalty,” sabi pa ni Taduran.
Kapag pinayagan na ang nasabing ‘capital punishment,’ pinili ng House assistant majority leader na ito ay gagawin sa pamamagitan ng ‘lethal injection’.
“Ang una na namang magiging isyu dito is ‘yung gastos, mahal ang electric chair at ang lethal injection mahal din pero mas humane instead na firing squad, electric chair at bitay o hanging. Dati iyon naman talaga,” paliwanag ni Taduran sa kanyang itinutulak na pagbuhay sa death penalty.
Upang maiwasan na mapag-isipan ang pagbabalik ng pinakamabigat na parusang ito ay pabor lamang sa mga mayayaman, sinabi ni Taduran na kaakibat nito ang probisyon na pagkakaroon ng ‘safeguards’ o proteksiyon para hindi matukoy bilang ‘anti-poor’.
Ibinigay na halimbawa niya ang pagkakaloob ng libreng serbisyong legal para sa mga mahihirap na akusado na nahaharap sa ‘death row’ hindi lamang mula sa hanay ng Public Attorney’s Office (PAO) kundi maging ang pagkuha ng mga de-kampanilyang abogado na tatayong tagapagtanggol nila sa korte. ROMER R. BUTUYAN
Comments are closed.