SUSPENDIDO ang dalawang Airport Police ng Manila International Airport Authority (MIAA) dahil sa pagdaan sa may Northbound lane ng EDSA Busway sa Guadalupe sa Makati nitong Linggo.
Ang dalawang APD personnel ay nakilala na sina Pvt 1st class Raymond Anuran at Pvt. Michael Lilis na kasalukuyang sumasailalim sa masusing imbestigasyon upang malaman ang kanilang mga liability o pananagutan sa pagsuway sa direktiba ng pamahalaan.
Ayon sa ulat, nakipagmatigasan pa ang dalawang airport police nang sitahin ng mga tauhan ng Manila Metropolitan Development Authority (MMDA) bagkus ayaw pa ibigay ang kanilang mga pangalan at sinubukan pang agawin ang cellphone ng MMDA upang burahin ang video footage.
Samantalang, nagpaplano ang pamunuan ng MMDA na magsampa ng reklamo sa korte laban sa dalawa dahil sa pagiging arogante at paglabag sa direktiba ng pamahalaan.
Sa ilalim ng naturang kautusan, ang Pangulo ng Pilipinas, Senate President, Speaker of the House of Representatives at Chief Justice of the Supreme Court ang mga pinahihintulutan na dumaan sa EDSA busway. FROILAN MORALLOS