SA PAGDAGSA NG MGA BATANG KALYE, DSWD UMAPELA SA PUBLIKO: HUWAG MAGBIGAY NG LIMOS

DSWD-Secretary-Virginia-Orogo

UMAPELA ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa publiko na huwag magbigay ng limos sa mga batang naglipana sa kalye.

Sinabi ni DSWD Secretary Virginia Orogo na makabubuting idaan sa maayos na pamamaraan ang pagkakaloob ng limos sa mga bata ngayong inaasahan na muli ang pagdami ng mga  ito sa urban areas tulad sa Metro Manila dahil sa holiday season.

Dagdag pa ni Orogo  na ang pagbibigay ng limos ay hindi kailangan sa mga batang lansa­ngan  dahil mas lalo lang mahihikayat ang mga ito na magpagala-gala sa mga kalsada at magi­ging delikado ito para kanilang buhay.

Sa kasalukuyan ay isinusulong  ng DSWD  ang #helpthehomelessph na layong magkaroon ng tamang istratehiya at ipaabot ang responsableng pagbibigay ng tulong sa mga naninirahan sa kalye katulad ng pagdaraos ng gift-giving events, story-telling o art sessions.

Nakapaloob din dito ang  feeding programs at medical missions para sa mga street dweller.

Ayon pa sa kalihim, maaaring ipaabot ng publiko ang kanilang tulong sa DSWD sa pamamagitan ng Silungan sa Barangay project na ang layunin ay magbigay ng pansamantalang tirahan sa mga  batang lansangan  at mga pamil­yang walang tirahan.  NENET VILLAFANIA

Comments are closed.