Mahigpit ang paalala ng Department of Health (DOH) sa publiko na tiyaking magiging ligtas ang gagawing pagdiriwang ng nalalapit na Pasko at Bagong Taon, sa pamamagitan ng pag-iwas sa ilang aktibidad na maaaring magresulta sa hawahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) gaya na lamang ng karaoke parties.
Sa isang pahayag, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na magiging mas makahulugan at makabuluhan ang pagdiriwang ng Pasko kung gugugulin ito kasama ang pamilya at makikinig na lamang ng mga awiting pamasko sa radyo at iba pang online music platforms sa halip na magkantahan sa videoke.
“For a change, let us opt to have a solemn celebration with joyful Christmas songs from our favorite artists played on radios or online music platforms,” ayon kay Duque.
Sinabi pa ni Duque na hindi naman kailangang magarbo ang pagdiriwang ng Pasko dahil ang mahalaga ay ang alalahanin ang pagsilang ni Hesus sa isang simpleng sabsaban kasama ang mga mahal sa buhay.
Paalala pa niya, kung magdaraos ng karaoke party ay magkakaroon ng pagkanta na maaaring magresulta sa hawahan ng virus.
“Kung tayo ay nagsasalita, meron pa tayong nae-emit na respiratory droplets. Mas marami ito kung tayo ay kumakanta o sumisigaw kaya po inirerekomenda namin na iwasan muna ang pagka-karaoke. According to a recent study published in the Aerosol Science and Technology Journal, loud singing increases viral particle spread by 448% compared to normal talking,” paliwanag pa ni Duque.
Kaugnay nito, nanawagan din si Duque sa lahat ng mga alkalde na istriktong ipatupad ang minimum public health standards sa kanilang mga lokalidad, gaya ng pagsusuot ng face masks at face shields, regular na paghuhugas ng kamay, at pag-obserba ng isang metrong distansiya sa isa’t isa upang maiwasan ang paghahawahan ng COVID-19.
Samantala, sa panig naman ni World Health Organization (WHO) Director-General Tedros Adhanom Ghebreyesus, sinabi nito na maaaring binago ng pandemya ang paraan ng pagdiriwang natin ng Kapaskuhan, ngunit hindi naman aniya ito nangangahulugan na hindi na tayo maaaring makapagdiwang.
Paalala pa niya, hindi dapat na maging kampante kahit pa unti-unti nang bumababa ang mga naitatalang kaso ng virus, at sa halip ay patuloy na obserbahan ang health and safety protocols, iwasan ang matataong lugar at magdiwang lamang ng Pasko sa kani-kanilang tahanan.
Pinaalalahanan pa ng DOH ang mga mamamayan na patuloy pa ring maging vigilante laban sa virus ngayong holiday season.
“Hinihiling ko po sa inyong lahat na iwasan muna natin ngayong Kapaskuhan ang mga karaoke parties at mga malalaking salo-salo para tuluyang makaiwas sa virus at mapigilan ang lalong pagkalat nito. Munting sakripisyo lang po ito para sa kaligtasan natin sa pagdiriwang ngayong Pasko,” pag-tatapos pa ni Duque. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.