(Sa pagdiriwang ng National Mental Health Week) ACUTE PSYCHIATRIC UNIT PINASINAYAAN NG DOH

DOH CALABARZON Regional Director Eduardo Janairo

BATANGAS- PINASINAYAAN ng Department of Health (DOH) – CALABARZON (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon) ang isang Acute Psychiatric Unit (APU) sa  Batangas Medical Center, kasabay nang pagdiriwang ng National Mental Health Week.

“Most persons with mental disorders don’t seek medical help. Kaya napakaimportante na malaman ang mga palatandaan upang mabigyan agad sila ng pangunahing lunas. Kadalasan sa ating pamilya o kamag-anak ay nagkakaroon tayo ng pakiramdam na “parang may hindi tama” sa kanilang pag-uugali at pag-iisip, we must be able to recognize these signs before it comes full blown,” ayon kay Regional Director Eduardo Janairo.

“Mental health must begin in childhood. Dapat pangalagaan natin ang ating mga anak. They must grow up with the feeling of safety and security and pro-tected from any harm,”dagdag pa nito.

Kabilang umano sa limang pangunahing mental disorders na maaaring lunasan sa APU ay schizophrenia, bipolar disorder, depressive disorder, at iba pang psychotic disorders.

Ani Janairo, kabilang sa tasks ng APU ay panatilihing ligtas ang mga pasyente, i-assess at i-evaluate ang kanilang mga problema, lunasan ang kanilang mental illness, ipagkaloob ang mga basic care needs at physical healthcare ng mga pasyente.

Ayon naman kay Dr. Anne Marie Pineda, ang pinuno ng Psychiatry Department ng Batangas Medical Center (BatMC), ang acute psychiatric inpatient hospitalization ay isang mataas na uri ng pag-aalaga na ang layunin ay para maipagkaloob ang pangangailangan ng mga indibidwal na nagpapakita ng emo-tional at behavioral signs na maaaring maglagay sa kanila at sa ibang tao sa alanganin.

“Some individuals are incapable to render or unable to care for themselves. We have to confine them for treatment with the presence of a 24-hour staff complete with medication and supervision,” paliwanag nito.

Nabatid na ang pondo at konstruksiyon ng APU building ay naisakatuparan sa pamamagitan ng DOH Facility Enhancement Program (HFEP).

Ito ay isang 10-bed unit na magkakaloob ng treatment sa mga severely ill mental health patients, sa loob ng hanggang 30 araw.

Ang mga pasyente naman na nangangailangan ng pangmatagalang pangangalaga ay ita-transfer sa ibang pasilidad kung saan sila mas mabibigyan ng sapat na pag-aalaga.

Ang pagbubukas umano ng APU ay magku-complement rin sa on-going efforts ng mental health program ng regional office upang maabot ang mga taong may mental disorders sa pamamagitan ng “Kapit-Bisig Helpline” sa https://www.facebook.com/kapit.bisig.helpline mula 10AM hanggang 12NN at 1PM hanggang 3PM tuwing Martes at Huwebes, kung saan maaaring humingi ng tulong ang mga taong stressed out dahil sa COVID pandemic at iba pang mental health concerns.

“The establishment of the APU in CALABARZON is the realization of DOH’s vision for BatMC to be a Psychiatric Center in the region,” ani Janairo. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.