(Sa paggamit at pagbebenta) PUBLIKO BINALAAN NG PDEA LABAN SA ‘MAGIC MUSHROOM’

BINALAAN ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Moro Virgilio Laso ang publiko laban sa paggamit, pagbebenta at pagpapakalat at pagtatanim ng “magic mushrooms” na may taglay na peligro sa kalusugan bukod sa mahigpit na ipinagbabawal ito sa ilalim ng batas ng Pilipinas.

Nadiskubre ng PDEA ang panibagong eskima ng pagpapakalat ng iligal na droga ng mga grupong nagpapanggap na mga yogis o soul therapist kung saan ginagamitan ang mga sumasali sa kanilang healing therapy ng “psychedelic mushroom” na kahalintulad ng hallucinogenic drug na lysergic acid diethylamide (LSD) na sumikat noong dekada 70.

Kamakailan, pito katao ang nadakip ng PDEA at lumitaw sa pagsisiyasat na nagtatanim sila ng “magic mushroom” habang aktibong isinusulong ang paggamit ng microdosing.

Sinabi ng PDEA na ang mga produktong ito ay naglalaman ng psilocybin o karaniwang kilala bilang “katsubong” sa ilang rehiyon, na kasama sa updated na listahan ng Dangerous Drugs Board (DDB) ng Scheduled Controlled Substances.

Batay sa imbestigasyon, pinalalaki ng mga suspek ang mga mushroom na ito habang aktibong isinusulong ang paggamit ng microdosing, o isang pamamaraan ng pagkuha ng isang bahagi ng isang regular na dosis para sa mga layuning panggamot.

Iniulat na ina-advertise nila ang diumano’y “therapeutic benefits” ng mga mushroom sa pamamagitan ng social media, at itinataguyod ng mga kilalang influencer at personalidad bilang isang paraan ng soul therapy sa panahon ng yoga session.

Nitong nakalipas na Mayo 18, nasamsam ng mga operatiba ng PDEA at lokal na pulisya ang mga produktong nilagyan ng “magic mushroom” sa isinagawang sting operation sa isang beach resort sa Barangay Galongen, Bacnotan, La Union.

Nasamsam ng mga operatiba ang mga lollipop, chocolate bar at gummy bear na pinaghihinalaang nilagyan ng “magic mushroom”, gayundin ang marijuana joints, ecstasy, kush at cocaine, natinatayang may kabuuang halaga na P145,000.

Ang pitong suspek kabilang ang isang foreigner ay nagsusulong ng microdosing na tumutukoy sa pagkonsumo ng maliliit na dosis ng shroom o magic mushroom na naglalaman ng psilocybin, isang kemikal na compound na itinuturing na ilegal sa bansa.

Sinabi ng mga suspek na nakakabawas ito ng mga sakit sa kalusugan ng isip.

“Sila yung grupo na nag cu-cultivate ng mushroom. Advocate kasi sila ng micro-dosing, tapos ang cover story nila ay soul therapy, yoga at pinapakita nila ito sa social media,” ani PDEA Special Enforcement Service Director Rogelito Daculla.
VERLIN RUIZ/ EVELYN GARCIA