TINIYAK ni Speaker Martin G. Romualdez na bawat halagang gagastusin mula sa P5.268 trillion na 2023 national budget ay pangunahing nakatuon sa pagkakaroon ng matatag na food security o pagkakaroon ng sapat at abot-kayang halaga ng pagkain sa hapag-kainan ng bawat pamilyang Pilipino.
Bukod dito, sinabi ng lider ng Kamara na ang aaprubahan nilang pambansang budget para sa susunod na taon ay ilalaan upang maipagpatuloy ang economic growth at maibalik ang sigla ng ekonomiya ng bansa sa antas na naranasan bago ang COVID-19 pandemic.
“We will make sure that each bit of spending will contribute to our goal of reigniting the fires of our economic forges, and at least propel the country to reach economic growth at pre-pandemic levels,” pagbibigay-diin ni Romualdez.
“Foremost is to ensure food security by pouring in precise intervention to increase food production and reduce cost, in addition to lowering transport, logistics, and energy cost to protect the purchasing power of the consumers,” sabi pa ng Leyte province lawmaker.
Ginawa ni Romualdez ang pahayag sa pagharap ng economic managers ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa mga kongresista sa plenary hall ng Batasang Pambansa Complex kahapon, na hudyat ng pagsisimula ng Lower House sa pagbusisi sa 2023 National Expenditure Program (NEP) na isinumite ng Palasyo.
Sumalang sa pagtatanong ng mga mambabatas ang mga bumubuo sa Development Budget Coordination Committee (DBCC), na kinabibilangan nina Finance Secretary Benjamin Diokno, Budget Secretary Amenah Pangandaman, Secretary Arsenio Balisacan ng National Economic and Development Authority (NEDA) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Felipe Medalla.
Pinasalamatan naman ni Romualdez ang DBCC members sa pagdalo sa pagsisimula ng budget deliberations ng Kamara at kahandaan ng mga ito na sagutin o magpaliwanag sa anumang katanungan at paglilinaw na nais ipaabot ng sinumang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso patungkol sa P5.268-T proposed 2023 national budget.
Ani Romualdez, umaasa siyang ang bawat panig ay magtutulungan upang matiyak na sa pamamagitan ng unang buong taon na pondo ng Marcos administration, maipagpapatuloy o kaya’y mahigitan pa nito ang naitalang pagpalo sa 8.2 % growth ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa first quarter at 7.4% naman sa second quarter ng taong kasalukuyan.
“Let’s buckle down to work, and with a united front, we shall be able to deliver the necessary tools and resources to improve the lives of the Filipino people and uplift their hope for a better quality of life,” paghihimok pa ng House Speaker.
Samantala, sa panig ni Sec. Diokno, sinabi niya na nakatulong ang pagsusulong ng Kongreso ng tax reform measures upang mapalakas ang macro-economic fundamentals ng bansa at malampasan ang mabigat na epekto ng pandemya.
Ang nabanggit na economic growths na naitala sa first at second quarter ng 2022 ay patunay, aniya, ng mabilis na recovery o pagbangon ng ekonomiya ng Pilipinas.
Bukod dito, ipinabatid ng Budget secretary na tumaas din ang investments sa bansa kung saan sa unang pitong buwan ng taon ay pumalo ito sa kabuuang halaga na P4.2 billion.
Maging ang revenue collection ng pamahalaan, ani Diokno, ay patuloy sa pagtaas, na sa pinakahuling datos ay pumalo sa P2.04 trillion na mula sa tax at non-tax revenues.
Pagmamalaki ng kalihim, ang naturang revenue collection ng gobyerno sa nakalipas na pitong buwan ay anim na porsiyentong mas mataas sa DBCC approved projection.
ROMER R. BUTUYAN