(Sa paghahatid sa mga lugar mahirap abutin) PAF NAKAKUTOK SA RELIEF OPERATIONS

ABALA ngayon ang Philippine Air Force (PAF) sa paghahatid ng tulong sa mga naging biktima ng Super Typhoon Karding na hirap marating.

Ayon kay PAF spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, nagsagawa ang S-70i Black Hawk helicopters ng serye ng sorties mula Col. Jesus Villamor Air Base hanggang Polillo Island.

Lulan nito ang 24,982 pounds ng relief packs na naglalaman ng mga pagkain, tubig, gamot at mga damit.

Nagdala rin ang Bell-205 helicopter kasama ang S-70i helicopter ng 9,696 pounds ng relief goods para sa mga residente ng General Nakar, Quezon.

Nagsagawa rin kahapon ang PAF ng isa pang Rapid Damage Assessment and Needs Analysis (RDANA) sa San Luiz, Aurora sa pamamagitan ng Huey II Helicopter.

Kasunod nito, tiniyak ng PAF na maghahatid pa rin sila ng relief efforts sa mga naapektuhan ng bagyo kasabay nang pagtitiyak na nasusunod pa rin ang kanilang misyon na itaguyod ang national security and development. VERLIN RUIZ