(Sa paghawak ni PBBM sa DA) CARTELS, SMUGGLERS MANGINGINIG NA SA TAKOT

Antonio Parlade Jr

TAHASANG sinabi ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesman at dating AFP Southern Luzon Commander Lt Gen Antonio Parlade Jr. na kahanga-hanga ang naging pasya ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr na pansamantalang pamumunuan nito ang Department of Agriculture.

Kasabay nito, sinuportahan din ni Parlade ang pahayag ni dating Agriculture Secretary Emmanuel “Manny” Piñol na nakatakdang pamunuan ang itinatag na national food security group na nanginginig na sa takot ang mga cartel at smugglers na kakutsaba ng ilang tiwaling opisyal ng gobyerno.

“It is a master stroke sir,” ani Parlade Jr.

Gayundin, ipinahayag ni incoming National Security Adviser Professor Clarita Carlos na ang national security ay hindi lamang puro tungkol sa giyera, military o defense security.

Kaakibat din umano nito ang human security kasama nito ang food security ng bansa na nag-aambag naman para sa isang matatag na economic security ng bayan.

Kaya’t kung ang Pangulo mismo ang hahawak sa naturang ahensiya ay matitiyak na ang sapat na pondo at tulong para umangat pa ang sektor ng agrikultura.

Bukod dito, walang mambabatas na mangha-harrass sa pondo ng DA.

Naniniwala sina Parlade at Piñol na sa paghawak ni PBBM sa DA ay masasawata rin ang smuggling sa agrikultura at ang kontrobersyal na pag-aangkat ng mga produkto kasama na ang isda, bigas, asukal at iba pa mula sa ibang bansa.

“It takes the Commander-in-Chief to dismantle it. This is like ending an insurgency. It takes the President to chair the NTF-ELCAC for it to be a working whole-of-govt mechanism,” ani Parlade.
VERLIN RUIZ