CAMP AGUINALDO – WALANG nakikitang mali ang Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines sa pagsulat ni AFP Chief of Staff Gen. Felimon Santos Jr. Sa Chinese embassy na humihiling ng tulong sa China para sa pagbili ng pinaniniwalaang gamot sa COVID-19.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, nais lang tumulong ni Santos sa mga kaibigan nito na may COVID-19 kaya ito sumulat kay Chinese Ambassador Huang Xilian.
Naniniwala kasi ang AFP Chief na nakakapagpagaling sa kanya ang gamot na Carrimycin laban sa COVID-19 kaya gusto nitong bumili ng 5 kahon sa China.
Paliwanag pa ni Lorenzana, walang paglabag na ginawa si Santos dahil hindi naman nito inilagay sa kapahamakan sa bansa.
Bukod dito, binawi rin daw ni Santos ang sulat matapos mapag-alaman na hindi aprubado ng Food and Drug Administration o FDA ang naturang gamot sa Pilipinas.
Ayon naman kay AFP Spokesperson B/Gen. Edgard Arevalo, sinabi nito na “in good faith” ang pagsulat ni Santos sa Chinese Embassy.
Wala rin umanong “conflict of interest” sa ginawa nito.
Matatandaan na March 27 nang tamaan ng COVID-19 si Santos at gumaling ito noong April 14 dahil sa paginom ng nasabing gamot. REA SARMIENTO
Comments are closed.