(Sa pagitan ng gobyerno at komunista) PEACE TALKS POSIBLE PA RIN

duterte

BUKAS pa rin ang pamahalaan na makipagnegosasyon sa Communist party of the Philippines.

Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, mananatiling bukas ang pintuan ng pamahalaan para sa kapayapaan hangga’t hindi igi-nigiit ng rebelde komunista ang pagkakaroon ng coalition government.

Sinabi ni National Democratic Front of the Philippines Chair Fidel Agcaolli na handa pa rin ang kanilang hanay sa pagpapatuloy ng usapang pangkapayapaan sa ilalim ng admi­nistrasyong Duterte.

Ito ay kahit pa tuloy ang plano ng CPP na ibagsak ang administras­yon ni Pangulong Duterte.

Ayon naman kay CPP founding Chairman Jose Maria Sison, ang sambayanan din naman ang makikinabang kapag natuloy ang resumption ng usapang pangkapayapaan.

Pero, paglilinaw ni Sison, kahit tuloy ang kanilang word war ni Duterte, tanggap ng kanilang grupo ang naging paha­yag ng Pangulo na hindi dapat isara ng tuluyan ang negosasyon sa magkabilang grupo.

Sa kabila nito, patuloy pa rin ang panawagan ni Sison sa kanilang mga tagasuporta na ituloy ang pagpapatalsik sa puwesto kay Duterte.

Bukod sa pananatili ng banta ng nationwide martial law, sinabi ni Sison na plano rin ang pamahalaan na dayain ang halalan sa 2019.

Gayundin, nanatili naman ang bisa ng Executive Order number 70 ng Pangulo na siyang bumuo sa isang special task force na ang pangunahing layunin ay durugin ang CPP-NPA

Mismong si Pangulong Duterte ang namumuno sa nasabing Special Task Force na binuo noong nakaraang buwan ng Nobyembre.

Matatandaang bumagsak noong nakaraang taon sa pagitan ng pamahalaan at komunistang grupo dahil sa patuloy na pag-atake ng mga miyembro ng New People’s Army sa tropa ng pamahalaan kahit pa nasa kalagitnaan ng negosasyon. DWIZ 882