(Sa pagkamatay ng waiter) 3 ZAMBOANGA CITY POLICE SINIBAK

ZAMBOANGA CITY- IPINAG UTOS ng Philippine National Police–Internal Affair Service (PNP-IAS) ang pagsibak sa tatlong police officers bunsod ng nangyaring pagkamatay ng isang waiter na nasa kanilang kustodiya.

Ayon kay Zamboanga City Police Chief Col. Alexander Lorenzo, kasalukuyang iniimbestigahan ng PNP-Regional Internal Affairs Service (RIAS) At Commission on Human Rights (CHR) ang tatlong sinibak na pulis.

Nabatid na kabilang sa mga pinagbasehan ng RIAS ang hawak umano nilang kopya ng autopsy report sa bangkay ng biktimang si Reynaldo Paragas Jr., ang waiter na sinabing namatay na ineskortahan ng mga pulis matapos nitong makasagutan ang isang retiradong police major na kinilala lamang sa pangalangan Cuartocruz sa loob ng isang bar kung saan ito nagtatrabaho.

“Ang awtopsiya, iyon po ang pinagbabasehan ng RIAS, based po doon sa natamong mga bruises at mga bukol ay iyon na po ang tinitingnan… Kasi ang nakuha lang po na CCTV camera ay doon lamang po sa isang restaurant at malayong lugar po to, nasa malayong barangay sa Zamboanga City,” ani Lorenzo.

Batay sa ulat, sinasabing tumalon umano si Paragas sa police vehicle na salungat sa naging pahayag ng duktor na ayon sa pamilya ng nasawi ay dahil sa nakitang head injuries na tila umano sanhi ng pagpalo ng matigas na bagay.

Kahapon inilagay na sa administrative custody ng PNP ang tatlong pulis habang gumugulong ang imbestigas­yon. VERLIN RUIZ