SINIBAK na sa serbisyo ang limang pulis na iniuugnay sa pagkawala ng isang ahente sa online sabong.
Kinilala ni Philippine National Police (PNP) Spokesperson Col. Jean Fajardo ang mga tinanggal na sina Police Staff Sergeant Daryl Paghangaan, Patrolman Roy Navarete, Patrolman Rigel Brosas, Police Lieutenant Henry Sasaluya, at Police Master Sergeant Michael Claveria.
Sa panayam kay Fajardo, sinabi nitong nalagdaan na ang dismissal paper ng mga nabanggit na pulis at kailangan lamang na matanggap ito upang mabigyan ng pagkakataon na umapela na bahagi ng due process.
Nitong Disyembre 19, kinasuhan na ng Department of Justice sina Paghangaan, Navarette at Brosas sa kasong robbery and kidnapping kay e-sabong agent Ricardo Lasco Jr., 44-,anyos.
Gayunpaman, kahit nadismis ang kaso laban kina Sasaluya at Claveria dahil sa kakulangan ng probable cause, kasama pa rin ang mga ito sa sinibak dahil sa grave misconduct, ayon kay Fajardo.
Magugunitang si Lasco ay huling nakita sa kanilang bahay sa San Pablo City noong Agosto 2021.
EUNICE CELARIO