(Sa paglabag sa environmental laws) MAHIGIT 3K NEGOSYO BINALAAN

BINALAAN ng  Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang mahigit 3,000 business establishments sa Metro Manila dahil sa paglabag sa environmental laws na humahadlang sa rehabilitasyon ng Manila Bay.

Sa isinagawang monitoring at saturation drive kamakailan ng Environmental Management Bureau (EMB), napag-alaman ng DENR na sa 4,043 establisimiyento, 1,857 ang nag-o-operate nang walang environmental compliance certificates habang 1,894 ang walang wastewater discharge permits.

Sinabi ni Environment Undersecretary for Field Operations Juan Miguel Cuna na maglalabas ang DENR ng notice of violations laban sa mga establisimiyento na napatunayang nagpapabaya sa ilalim ng Republic Act 9275 o ang Philippine Clean Water Act.

Ayon pa kay Cuna, ang mga lumabag na establisimiyento ay ipatatawag sa isang kumperensiya ng EMB National Capital Region o ng Laguna Lake Development Authority upang sumunod sa batas at magpatupad ng remedial measures.

Nabatid na 3,623 establisimiyento ang may access sa wastewater treatment facility. May  2,306 ang  may septic tank, 255 ang may sewage treatment plants at 104 ang may sequencing batch rector.

May 575 establisimiyento naman ang konektado sa mga water concessionaire. LIZA SORIANO