(Sa paglabag sa quarantine protocol) BERJAYA HOTEL PINADLAK

IPINASARA ng pamahalaang lokal ng Makati nitong Huwebes ang Berjaya Hotel sa lungsod dahil sa pagkabigong pigilan ang isang umuwing Filipino sa pag-skip sa mandatory quarantine sa pasilidad.

Isinilbi ng mga tauhan ng Business Permits and Licensing Office ng City Hall ang closure order sa Berjaya makaraang suspendihin ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation nito noong Miyerkoles.

Sa isang statement, sinabi ni Attorney Don Camiña, Makati city legal officer, na sinuspinde ng DOT ang accreditation ng hotel ng tatlong buwan at pinagmulta ito ng  P13,200.

Ayon kay Camiña, sa ilalim ng guidelines ng gobyerno, tanging DOT-accredited hotels lamang ang pinapayagang mag-operate sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Considering that Berjaya’s DOT Accreditation has been suspended, City is closing it since only hotels with DOT accreditation can operate at this time under relevant DOT and IATF (Inter-Agency Task Force) guidelines,” aniya.

Ang Berjaya Hotel ay sinuspinde ng DOT kasunod ng pagkabigo nitong pigilan at i-report si Gwyneth Chua, isang umuwin Filipino mula sa United States, sa pagtakas sa quarantine facility noong Disyembre.

Humingi na ng tawad ang hotel sa DOT at nangakong hindi kukunsintihin ang quarantine skippers at iba pang lalabag sa health protocol.

Nahaharap si Chua, ang kanyang mga magulang, nobyo at limang tauhan ng Berjaya Hotel sa paglabag sa Republic Act 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

Inalmahan naman ng Berjaya Hotel ang pagsisilbi ng closure order, at sinabing wala itong basehan.

“The order by the Makati City Hall closing down Berjaya Makati Hotel’s operations based on the suspension order issued by the Department of Tourism is without legal basis,” sabi ng hotel.

Hindi pa umano final ang kautusan ng DOT dahil may 15 araw pa sila para umapela.

“Meanwhile, the suspension is not in effect. Secondly, there is no law that penalizes a hotel for not reporting a guest who jumps quarantine,” anang hotel.

“There is nothing in R.A. (Republic Act) 13322 that is applicable to the hotel,” dagdag pa nito.