NILAGDAAN na kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang P4.1-trillion 2020 national budget na mas malaki ng 12 porsiyento kumpara sa 2019 budget.
Ang paglalagda ng Pangulo sa General Appropriations Act (GAA) 2020 ay ginanap sa seremonya sa Rizal Hall sa Malakanyang.
Pinakamalaking bahagi ng pondo ay nakalaan para sa social services sector na nasa P1.495 trillion na sakop ang edukasyon at kalusugan.
Nakalaan naman ang 29.3 porsiyento ng pondo sa 2020 sa economic services na may kabuuang P1.2 trillion.
Malaki ang inilaang pondo sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at Department of Transportation (DOTr) para sa infrastructure projects ng gobyerno sa ilalim ng Build Build Build program.
Para naman sa mga kongresista, magreresulta sa tuloy-tuloy na programa ng pamahalaan ang paglagda ng Pangulo sa P4.1-trillion 2020 budget.
Sinabi ni House Appropriations Committee Chairman at Davao City Rep. Isidro Ungab na mahalaga na mayroong operating budget ang bansa sa unang linggo pa lamang ng taon.
Bukod sa pagpapalakas ng ekonomiya, masisiguro nito na hindi mahihinto ang mga nakalinyang proyekto para sa kabuhayan ng mga Pinoy.
Ayon pa kay Cavite Rep. Elpidio Barzaga, idinisenyo ang 2020 budget para suportahan ang pagpapatatag ng pamumuhay ng mga Filipino lalo na ang mga ordinaryong mamamayan.
Una nang inihayag ng mga eksperto ang kanilang forecasts na bibilis ang paglago ng ekonomiya ngayong taon.
Ayon kay Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) chair Alegria Limjoco, dahil sa maagang pagpasa sa national budget ay inaasahang wala nang delay sa pagpapatupad ng mga proyekto ng gobyerno.
Nakikita rin ang mataas na GDP growth ngayong taon sa on-time na pagpapalabas ng P4.1 trilyong 2020 national budget.
“Malaking tulong sa mga proyekto ng gobyerno ang natitirang P400 bilyon na budget na natitira sa 2019. “That means more blessings in 2020,” pahayag pa ni Limjoco.
“We are growing 7 percent this year and the next decade. We are in the center of growth,” pahayag ni Limjoco, na unang babaeng nahalal para pamahalaan ang PCCI. PILIPINO MIRROR Reportorial Team
Comments are closed.