SA PAGLAGDA NI PRRD SA 2021 NAT’L BUDGET, COVID RESPONSE, PAGBABANGON SA EKONOMIYA, ET AL MAY SAPAT NANG PONDO

TATAK PINOY

GANAP nang pinagtibay at isa nang batas ang pagpapairal sa 2021 national budget sa Enero matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong nakaraang araw.

Madalas po nating sinasabi sa pitak nating ito na ang buong Kongreso — ang Senado at ang Mababang Kapulungan, batid ang kahalagahang maipasa sa tamang oras at panahon ang panibagong budget para sa susunod na taon. Kaya talagang inilaan natin, kasama ang mga kasamahan nating kongresista at senador, ang oras, dunong at rason, maipasa lamang ang budget na ito sa takdang panahon.

Kritikal ang pambansang budget para sa 2021 sapagkat nakatuon ito sa muling pagpapabangon sa ating ekonomiya na talaga namang lumupasay dulot ng pandemya ng COVID-19.

Partikular sa mga nilalayon ng 2021 budget ang mas pinaigting na COVID response ng gobyerno. Kung nagkataon at naantala ang pagpasa nito, para tayong kumuha ng napakalaking bato na ipinukpok natin sa sarili nating ulo. Katumbas ‘yun ng pagsasayang natin ng panahon tungo sa pagbangon.

Kaya tayo po’y lubos na nagpapasalamat sa ating mga kasamahang lehislador sa dalawang sangay ng Kongreso dahil sa ­ipinakita nating pagkakaisa at pagtutulungang maipasa ang budget.

Opo, dumaan ang P4.5 trilyong 2021 national budget sa butas ng karayom o sa masusing pagkilatis ng mga lehislador —  dahil iyan naman talaga ang nararapat. Iyan ay  upang masigurong walang anumang bahid ng katiwaliang papasok dito tulad ng mga agam-agam ng ilan.

At sa pamamagitan po ng pitak nating ito, nais nating ipaabot ang pasasalamat sa Tanggapan ng Pangulo, gayundin sa mga magigiting at masigasig na kawani ng Department of Budget and Management (DBM).

Tulad po natin at ng mga kasamahan nating lehislador, tuloy-tuloy po ang trabaho kahit sa mismong araw ng Pasko, matiyak lang ang kasiguruhan ng pambansang budget.

Bukod po sa paglagda at pagpapatibay ng Pangulo sa P4.5 trillion 2021 national budget, kasama ring inaprubahan ang pagpapalawig sa bisa ng Bayanihan to Recover as One Act o mas kilala bilang Bayanihan 2, gayundin ang pagpapalawig sa validity of funds sa ilalim ng 2020 GAA. Sa pamamagitan ng mga ito, nakasisiguro tayong may sapat tayong lakas para matulungan ang ating mga kababayan, lalo na ang nanamlay nating ekonomiya.

At dahil mayroon po tayong bagong budget sa pagpasok ng Enero 2021 masasagot po ang mga pangangailangan natin tulad ng pagbili ng bakuna para sa COVID-19; mas masusuportahan na ng gobyerno ang flexible/distance/blended learning; mas mapalalakas ang sistemang pangkalusugan ng bansa; mas matutulungan ang mga pinakamahihirap na pasyente; mas mapalalawak pa ang ating contact tracing; mas mapalalakas ang libreng wi-fi sa mga pampublikong lugar at sa mga state universities and colleges (SUCs); mas matutulungan ang mga manggagawang nawalan ng trabaho dahil sa pandemyang ito; may nakalaang pondo para sa social pension ng mga pinakamahihirap nating kababayan; pagpapatuloy ng feeding program; training for work scholarships and special training for employment; ang implementasyon ng Philippine Innovation Act ; implementasyon ng Doktor para sa Bayan Act; mas mapabibilis ang paggulong ng mga kasong nakatambak sa hudikatura; resettlement ng mga kababayan nating sinalanta ng iba’t ibang kalamidad at rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng mga kalamidad.

Comments are closed.