(Sa paglaya ng killer mula sa selda) PAMILYA NG PINASLANG NA FIL-AM DISMAYADO

laya

USA – PATULOY na sumisigaw ng hustiya ang mga naulila ni Jonathan Fernando Tica, ang Fil-Am na pinatay sa pamamaril at pagpalo ng matigas na bagay sa kaniyang ulo.

Sinasabing masama ang loob ng mga kaanak ng biktima matapos mabalitaang nakalabas ng kulungan ang suspek sa pagpatay.

Base sa police report, may dalawa o tatlong araw nang patay si Tica bago pa nakarating sa mga awtoridad ang insidente.

Ayon sa Clark County Coroner’s Office, itinuturing na homicide ang pagkamatay ni Tica dahil nagtamo siya ng mga tama ng bala at pinalo pa ng isang mabigat na bagay sa ulo.

Inaresto ng North Las Vegas police ang suspek na si Parichart Hall, 48, na kasama ni Tica sa kaniyang bahay.

Sinabi umano ni Hall sa mga pulis na may relasyon sila ni Tica na itinanggi ng mga kaanak ng biktima dahil may asawa at anak ito sa Filipinas.

Ayon naman kay Maria Aurora Tica, ina ng biktima, naikuwento raw sa kanila na hiniwalayan daw si Hall ng dati nitong mister dahil “may diperensiya” ito.

Lalong nadismaya ang mga kaanak ni Tica matapos mabalitaang nakalabas ng kulungan si Hall.

“They released this woman and we weren’t even told about it either,” ayon kay Lilia Bigelow Stratford.

Nakikipagtulu­ngan na ang pamilya ni Tica sa Department of Foreign Affairs para maiuwi ang bangkay ng biktima sa bansa sa lalong madaling panahon.                    PILIPINO Mirror Reportorial Team

Comments are closed.