INAASAHAN ng Department of Trade and Industry (DTI) ang lalo pang pagsigla ng ekonomiya ng bansa sa pagluwag ng age restriction sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine.
Ayon kay DTI Secretary Ramon Lopez, base sa mga survey na kanilang ginawa, ang mga benta sa negosyo ay maaaring mag-doble o triple kapag nakalabas na ang ibang segment ng merkado.
Ang mga batang may edad 10 hanggang 14 sa MGCQ area ay pinayagan na ng Inter-Agency Task Force on COVID-19 response na makalabas ng kanilang mga bahay.
Tanging ang mga mas bata sa 10 taon at matatandang higit 65 ang edad ang kailangang manatili sa loob ng bahay.
“Assessment po kasi karamihan ng nasa retailing, nasa commercial areas, kasama na mga malls, kapag lumabas ang magulang kasama ang mga bata, mas malaki ang consumption nila. Either kumakain pa ‘yan sabay-sabay o kaya may binibili, mas maganda, masigla ang pagbabalik natin sa restimulating the economy,” pahayag ni Lopez.
Magugunitang sinimulan ng gobyerno na buksan ang ekonomiya ng bansa noong kalagitnaan ng taon matapos ang matagalang lockdown para pigilan ang pagkalat ng COVID-19 virus.
“Kahit noong last year na nagre-reopen tayo ng ekonomiya mula July-August, gumaganda bumabalik ang employment subalit malayo pa tayo doon sa dating lagay na pre-COVID levels,” dagda pa ng kalihim.
Comments are closed.