MAKIKIPAG-UGNAYAN ang Department of Agriculture (DA) sa Philippine Space Agency (PhilSA) sa paggamit ng satellite technology upang palakasin ang productivity.
Sa Food Security session ng 2024 Post SONA discussions, sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magkakaroon ng kolaborasyon sa PhilSA.
“Napakaimportante actually, the DA in coordination with the PhilSA, will subscribe to a weather satellite. Nakikita talaga temperatura, humidity, wind direction, para ma-timing,” sabi ni Tiu Laurel.
“Sa pag plant ng seeds, may tamang time ‘yan eh, tamang hangin for pollination. With this technology, satellite, we hope this will boost production talaga,” dagdag pa niya.
Nauna rito ay binanggit ni PhilSA Director Joel Joseph Marciano Jr. ang paggamit ng space technology sa iba’t ibang social issues, tulad ng pagpapalakas sa productivity at maging sa pag-monitor sa mga aktibidad sa West Philippine Sea.
Bukod sa paggamit ng space technology, ang DA ay magpopokus sa pagpaparami ng irrigated lands upang mapagbuti ang productivity.
“Ang pinakamalaking problema natin ay irrigation, we need to irrigate 1.2 million hectares. Ang Vietnam, 95 percent irrigated. Tayo nasa less than 60 percent irrigated. If we want food security, we have to have water and irrigated lands,” sabi ni Tiu Laurel.
Sinabi ng National Irrigation Administration (NIA) na target nilang dagdagan ang land area ng irrigated lands ng 45,000 ektarya kada taon.