(Sa pagpapatupad ng Alert Level 3) LIBO-LIBONG WORKERS NA-DISPLACE

Labor Secretary Silvestre Bello III

HINDI bababa sa 11,500 manggagawa mula sa inaasahang 100,000 ang nawalan ng trabaho magmula nang ipatupad ang Alert Level 3 sa ilang lugar sa bansa, ayon sa Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa panayam ng ANC, sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III na kasalukuyan silang naghahanda para bigyan ng tulong pinansiyal ang mga nawalan ng trabaho nang isailalim ang Metro Manila at iba pang lugar sa Alert Level 3 sa gitna ng COVID-19 surge.

“Although the estimate that there would be at least 100,000 to 200,000 workers that will be displaced because of the Alert Level 3, our experience, and I’m very happy to note, na as of yesterday, ang na-displace lang na workers because of Alert Level 3 ay 11,500 plus,” sabi ni Bello.

Bukod sa naturang bilang, may 20,000 manggagawa ang nabawasan ang working hours sa ilalim ng flexible working arrangement.

“Dahil nabawasan ang working hours nila, nabawasan ang kanilang kita, but the status of their employment is secured,” dagdag ni Bello.

Naunang sinabi ng kalihim na naglaan ang  DOLE ng P1 billion bilang paghahanda sa posibleng pagkawala ng trabaho ng ilang manggagawa o pagkabawas ng kanilang working hours dahil sa mas mahigpit na quarantine status.

Ang Metro Manila at 50 iba pang lugar ay kasalukuyang nasa ilalim ng Alert Level 3 hanggang sa katapusan ng buwan.