INIHAYAG ng National Union of People’s Lawyer NCR na aabot sa 64,000 public utility jeepneys (PUJs) sa buong bansa ang maaaring mawalan ng prangkisa sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Ayon sa NUPL, mabibigyan lamang ng prangkisa ang mga pampasaherong jeepney kung mapapasailalim sila sa kooperatiba na mariing tinututulan ng mga transport group gaya ng PISTON.
Ayon sa Piston, nilalabag nito ang constitutional right sa freedom of association. Giit ng Piston, kapag ibinigay nila sa isang kooperatiba ang kanilang mga prangkisa ay para na rin nilang ibinigay ang kontrol sa kanilang hanapbuhay. Maaari rin umano itong magresulta sa pagkakaroon ng monopolyo sa pampublikong transportasyon.
Ayon pa sa grupo, mas mainam na bigyang-pansin ng gobyerno ang pagpapalakas ng industrial capacity ng bansa sa pamamagitan ng paggawa ng sarili nitong transport vehicle o jeepney na makatutulong pa sa pagbibigay ng trabaho sa mga Pilipino.
Sa ganitong paraan, anila, ay magkakaroon ng sariling produkto ang bansa na maibebenta sa mas murang halaga.
Nauna rito ay dumulog ang Piston, kasama ang co-counsel na NUPL, sa Korte Suprema para ipatigil ang pagpapatupad ng PUVMP.
Idinagdag pa ng NUPL na hindi magiging matagumpay ang modernisasyon ng public transportation kung iniiwan nito ang mga drayber, operator, at komyuter.
EVELYN GARCIA