(Sa pagpasok ng Bagong Taon) COVID-19 CASES SA MAYNILA TUMAAS

isko

ANG mga distrito ng Tondo1, Sampaloc at Malate ang top 3 sa Maynila na may pinakamataas na bilang ng active CO­VID-19 cases simula ng Enero 2, 2021.

Dahil dito, nanawagan si Manila Mayor Isko Moreno sa mga nasabing lugar na higit na mag-ingat at pairalin ang sariling disiplina pag-da­ting sa pagtugon sa minimum health protocols na pinaiiral ng pamahalaan kontra COVID-19.

Base sa pinakahu­ling datos mula sa Manila Health Department (MHD), ang bilang ng active cases sa unang distrito ng Tondo at Sampaloc ay parehong 47 hanggang nitong Sabado, Enero 2 habang may 45 naman na naitala sa Malate. Nanguna rin ang Tondo 1 sa dami ng bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 gayundin sa bilang ng suspected cases.

Ngayong tapos na ang Pasko at Bagong Taon, hinimok ni Moreno ang mga residente na magpasuri sakaling may nararamdamang sintomas o kaya naman ay na-exposed sa COVID-19 kasabay ng paniniyak na nananatiling libre ang lahat ng ito.

Ayon sa alkalde, kapuna-puna na marami ang dumalo sa mga pagtitipon at nagpalipas ng pista opisyal sa kanilang mga kaibigan at kamag-anak at naging maluwag sa kanilang pag-iingat kaya naman posibleng nalantad sa mga virus carrier ang mga ito lalo na sa mga hindi nagpapakita ng sintomas.

Sa kasalukuyan, ang bilang ng mga residenteng na-swabbed ng libre ay 59,962 at ang bilang ng mga gumaling ay 23,900 habang ang kasalukuyang confirmed active cases ay 298.

Samantala, inanunsiyo ni Moreno na ang city’s 12 newly-purchased high-end ambulances ay umiikot na sa mga kalye ng Maynila.

Sinabi pa ng alkalde na ang mga driver na nakatoka sa mga bagong ambulansiya ay nag-iikot sa mga daan, kalye at kalyehon upang maging pamilyar na sa mga lugar sa buong lungsod bilang preparasyon sa malawakang paggamit nito. VERLIN RUIZ

Comments are closed.