NGAYONG papasok na tayo sa buwan ng Kapaskuhan, napupuno na naman ng mga tao ang malls, karay-karay pa ang maliliit na bata dahil medyo nagluwag na ang ilang mga lugar sa bansa. Pinapayuhan tayo ng mga awtoridad na mas mabuting iwan na lamang ang mga bata sa bahay, para na rin sa kanilang kaligtasan.
Marami na ring mga lugar ang hindi na nangangailangan na magsuot ng face shield. Pero hindi ito nangangahulugang magpapaka-kampante na tayo.
Marami pa rin sa atin ang mas pinipiling mag-face shield pa rin lalo na’t kung humaharap sa ibang tao.
Sa tingin ko ay tama ito, kasabay rin siyempre ng pag-iwas na lumapit masyado sa iba, paghuhugas ng kamay, at pagsusuot ng mask—kahit na bakunado pa tayo.
Kung nakalabas ka kamakailan, mapapansin mong matindi na naman ang trapik sa maraming lugar na parang normal na Christmas season talaga. Puno ang mga parking lot, mall, at restaurant at parang normal na ang lahat kung titignan ang kilos ng ilan.
Hindi pa tayo bumabalik sa normal kaya’t huwag tayong maging kampante porket bumababa na ang bilang ng mga kaso ng COVID-19 dito sa atin. Maraming lugar sa Europa ang nakakaranas na naman ng pagtaas ng bilang ng mga kaso. Sana maging paalala ito sa atin na hindi pa tapos ang krisis na ito at ang virus ay naririto pa rin.
May ilang lugar na sa bansa na mayroong mataas na bilang ng mga bakunado, may nakaabot na rin sa target na bilang upang magkaroon ng tinatawag na herd immunity. Ngunit para sa marami pa ring lugar na may mababang bilang ng mga bakunado, kailangan pang lalong pag-igtingin ang kampanya para sa pagbabakuna upang makasulong na ang buong bansa patungo sa pagbangon ng ating ekonomiya.
(Itutuloy…)