PINALAGAN ng mga kasapi ng Philippine Fireworks Association ang panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. sa mga local government units (LGUs) sa buong bansa na magpatupad ng total ban sa paputok lalo na sa pagpasok ng Bagong Taon.
Ayon sa mga firework manufacturers, mas mahigpit na regulasyon lang at hindi dapat i-ban ang mga fireworks at regulated pyrotechnic products.
Nauna nang inihayag ni Abalos na nais niyang magpatupad ng total ban sa mga paputok na nagdudulot ng injuries sa pagdiriwang ng bagong taon kung saan ay hinihikayat nito ang LGUs na magpasa ng ordinansa para sa implementasyon nito.
Paliwanag ni Philippine Fireworks Association president Joven Ong na kulang ang regulasyon sa mga paputok kung kaya’t dapat na higpitan ito at hindi kailangan na i-ban.
Sinabi din nito na ang pagsabog sa isang cargo truck na naglalaman ng mga paputok ay dahil sa maling pormulasyon, hindi maayos na nakabalot at hindi dumaan sa masusing monitoring ng DTI Bureau of Product Standards at walang PS mark.
Aniya, halip na ipagbawal ang paputok, dapat na hindi payagan ng PNP-Civil Security Group ang permits para sa potassium chlorate na isang common oxidizer o kemikal sa pyrotechnics na hindi na ginagamit sa ibang bansa.
Samantala, nakatakdang mag-ikot si Philippine National Police (PNP) chief Police General Benjamin Acorda Jr. sa mga tindahan ng paputok.
Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office chief Colonel Jean Fajardo, upang matiyak na nasusunod ang safety measures na inilatag ng gobyerno.
Ayon kay Fajardo, nais nilang maiwasan na isakripisyo ang kaligtasan ng publiko lalo’t nagbigay na sila ng permit sa mga manufacturer at retailer ng paputok. VERLIN RUIZ