(Sa pagreorma sa MUP pension system) MANDATORY CONTRIBUTION SA BAGONG ENTRANTS

TANGING mga bagong miyembro ng militar at uniformed services sa bansa ang magkakaroon ng bawas sa kanilang buwanang sahod para sa kanilang pensyon.

Ito ang naging rekomendasyon ni Senate Committee on National Defense and Security chairman Jinggoy Ejercito Estrada sa inilatag na substitute bill para sa panukalang reporma sa military and uniformed personnel (MUP) pension system na layong maiwasan ang pinangangambahang fiscal collapse sa mga darating na taon.

“Ibig sabihin, anuman ang tinatanggap ng mga kasalukuyang pensyonado at kung anuman ang inaasahan ng mga kasalukuyang nasa aktibong serbisyo ay kanila pa ring matatanggap. Sa katunayan, para sa ilan sa kanila, ang retirement pay ay tataas pa ng limang porsyento,” anang senador.

“Hindi po gagalawin, hindi po babaguhin, at hindi po papakialaman ng isinusulong nating panukalang batas ang pensyon ng mga pensyonadong retirado. Wala rin pong magiging pagbaba sa inaasahang pensyon ng kasalukuyang mga nasa serbisyo,” pagdidiin pa ng beteranong mambabatas.

Ginarantiya rin ni Estrada ang pagkakaroon ng mas matatag na sistema ng pensyon sa ilalim ng inihain niyang bersyon ng Senado sa pag-amyenda sa batas.

Magkakaroon ng magkahiwalay na trust fund para sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at para sa mga nasa Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Bureau of Corrections (BuCor) at mga commissioned officers sa National Mapping and Resources Information Authority (NAMRIA).

Ang trust fund ay pamamahalaan ng Government Service Insurance System (GSIS) at pangangasiwaan ng mga trust fund committee ng military at uniformed services.

Sakaling maging ganap na batas na ito, ang mga papasok sa serbisyo sa military ay magkakaroon ng kontribusyon na magsisimula sa 7% ng kanilang base pay at longevity pay, samantalang 9% naman ang kabawasan sa sahod ng iba pang unipormadong serbisyo. Nasa 14% ang magiging ambag ng gobyerno sa mga nasa militar at 12% naman na kontribusyon sa ibang uniformed services para sa kanilang pension funds.

Kapag naisakatuparan na, ang retirement pay ay tataas hanggang sa maximum na 90% ng base pay at longevity pay para sa lahat ng MUP, mula sa kasalukuyang 75% at 85%.

Bagaman wala itong automatic indexation para sa mga bagong miyembro, magkakaroon pa rin ng taunang pag-aadjust sa pensyon batay sa kondisyon ng fiscal o ekonomiya, sabi ni Estrada. “Umaasa ako na ang kasalukyang Kongreso ang tutugon sa napakahalagang isyung ito na hindi lamang nakaaapekto sa fiscal position ng bansa kundi pati na rin sa katiyakan ng defense establishment at ng mga uniformed services, habang ang patuloy na usap-usapan ng reporma sa sistema ng pensyon ay nagdadala ng pangamba at kaba sa kanilang hanay,” ani Estrada.

VICKY CERVALES