(Sa pagsabog ng Bulkang Taal) KAPENG BARAKO NANGANGANIB NA MAWALA

KAPE-4

NAHAHARAP sa mapait na katotohanan ang kinabukasan ng mga mahilig uminom ng kape sa bansa.

Nanganganib na mawala ang pinakaes­pesyal na kape sa bansa, ang kapeng barako, matapos na mapinsala ang libo-libong puno nito ng pagsabog ng bulkang Taal, babala ng mga opisyal ng industriya ng kape kamakailan.

“There is a danger of extinction because barako is primarily grown in Batangas and Cavite. Right now, we have to do some risk management by saving the specie,” pahayag ni Philippine Coffee Board Inc. (PCBI) president Pacita Juan.

Ang Cavite at Batangas, na nagpoprodyus ng halos 90 porsiyento ng kapeng barako sa bansa ay ilan sa mga lugar na apektado ng pagsabog ng bulkan noong Enero 12.

Nagbuga ang bulkan ng napakataas na usok at abo, na siyang bumalot sa ilang 4,309 ektaryang sakahan ng kape, ayon sa datos na ipinakita ng Department of Agriculture (DA).

Maraming puno ang namatay at ang iba ay dadaan pa ng kahit dalawang taon bago makabawi. Napipinto ring mawalan ng kabuhayan ang halos 5,000 maliliit na magsasaka.

“We’re taking a long-term positive step to protect the specie… We want to protect that sort of trademark coffee that is so attached to the Philippines,” lahad ng isang miyembro na board na si Guillermo Luz.

Ang Filipinas ay isa lamang sa apat na bansa na nagpoprodyus ng barako, na nanggagaling sa Liberica variety, dagdag niya. Ang ibang butil ng Liberica beans ay galing sa Malaysia, Vietnam at Ethiopia.

Para makapag-reproduce ng barako na kilala sa pagiging matapang na lasa at matinding bango, plano ng board na gu­mamit ng ikatlong bahagi ng puwedeng anihin na kappa sa Cavite at Batangas bilang seedlings na puwedeng itanim sa ibang lugar tulad ng Mindanao.

“It’s a crisis but a unique opportunity… We’ve taken a hit but we have a plan to recover and expand the production areas,” sabi ni Luz.

Ang ibang 15,000 barako seedlings na nakatago sa isang  private farm sa Alfonso, Cavite ay natipid, salaysay ng board.

Ang mga natabunan ng ashfall ay puputulin din para ito ay muling tumubo at mamunga ng kape sa ilalim ng “rejuvenation program.”