HINDI ligtas na gamitin ang mga torotot, bilang alternatibo sa paputok, para sa nalalapit na pagsalubong sa Bagong Taon
Ito ang inihayag ng grupong EcoWaste Coalition kasunod na rin ng rekomendasyon ng Department of Health (DOH) sa publiko na gumamit na lamang ng mga alternatibong noisemakers upang makapag-ingay sa New Year’s eve celebration, para makaiwas sa fireworks-related injuries.
Ipinaliwanag ng grupo na mayroon ding mga torotot na mapanganib dahil sa taglay na nakalalasong materyales ng mga ito.
May maliliit din umanong parte ang paputok na delikadong malunok ng taong gagamit nito, partikular na ng mga bata.
Bukod naman sa torotot, ilan pa sa mga inirerekomenda ng DOH upang gamiting noisemakers sa Bagong Taon ay ang takip ng kaldero at kawali, gayundin ang pagpapatugtog ng radyo ng malakas o ‘di kaya ay busina ng sasakyan at iba pa.
Hinihikayat din ng DOH ang publiko na sa halip na magpaputok ay makilahok na lamang sa mga isasagawang community fireworks display upang makaiwas sa pagkasugat dahil sa paputok.
Ayon kay DOH Assistant Secretary Atty. Charade Mercado-Grande, target nilang magkaroon ng ‘zero-casualty’ sa paputok ngayong taon at mabawasan ang mga maitatalang fireworks related-injuries.
Nabatid na noong 2017, kabuuang 463 fireworks-related injuries ang naitala ng DOH, na mas mababa ng 26 porsiyento kumpara sa 627 na naitala noong 2016.
Pinakamaraming nasugatan sa National Capital Region, na may 248 kaso, kasunod ang Ilocos Region, na may 46 kaso at Calabarzon na may 45 kaso. ANA ROSARIO HERNANDEZ
Comments are closed.