(Sa pagsirit ng kaso ng COVID-19) MAHIGPIT NA HEALTH PROTOCOLS IBABALIK

INAMIN ni Philippine National Police (PNP) Officer-In-Charge, Lt. Gen. Guillermo Eleazar na babalikan at pag-aaralan nila ang da­ting health protocols sa kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ) noong isang taon para sa posibilidad na pagpapatupad nito sa kasalukuyan.

Ito ay kasunod ng pagdami ng kaso ng mga pulis na nahawa sa coronavirus disease (COVID-19).

Magugunitang noong isang taon sa panahon ng ECQ na kinalaunan ay ginawang modified ECQ (MECQ) ay matinding health protocols ang isinagawa.

Partikular na tinukoy, ang matinding seryosong triage, paglalagay ng foot/tire bath sa mga pasukan sa Camp Crame, paglilimita ng face to face transaction ng mga frontline services, limitadong office personnel, istriktong disinfection sa bawat mga tanggapan at maging formation tuwing flag raising/retreat ay hindi pinapayagan.

“Pag-uusapan namin ngayon, magkakaroon kami ng pulong na small gathering lang para sa aming gagawin para pigilang ang COVID-19 transmission,” ani Eleazar.

Gayunpaman, idi­nipensa ni Eleazar ang pagpapatupad ng formation at iba pang face to face activities alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik na sa normal ang programa ng PNP.

Aniya, ang pagsasagawa ng formation ay batay na rin sa uri ng kuwarantina na ngayon ay nasa ge­neral community quarantine (GCQ).

Gayundin, hindi rin matukoy ni Eleazar kung may kontribusyon ng pagkakaroon ng formation sa paglaki ng kaso ng CO­VID-19 sa PNP.

Sa datos ng PNP Health Service as of 6PM, March 14, 2021; mayroon nang 12,240 pulis na tinamaan ng naturang virus, 33 ang namatay, 890 ang ginagamot, 11,317 ang nakarekober habang 78 ang bagong nahawahaan. EUNICE CELARIO

2 thoughts on “(Sa pagsirit ng kaso ng COVID-19) MAHIGPIT NA HEALTH PROTOCOLS IBABALIK”

Comments are closed.