(Sa pagsisimula ng Holy Week) PRESYO NG ISDA, GULAY SUMIRIT PRESYO NG ISDA, GULAY SUMIRIT

NAGSIMULA nang tumaas ang presyo ng isda at gulay sa pagpasok ng Holy Week.

Ayon sa mga vendor sa local markets, nagkaroon ng price imcrease sa isda dahil sa nabawasang biyahe ng mga mangingisda.

Sa Marikina Public Market, ang presyo ng kada kilo ng isda ay tumaas ng hanggang P60 — alumahan sa P340 mula P300, galunggong sa P280 mula P240, tulingan sa P260 mula P200, at bangus sa P220 mula P200. Nanatili naman ang presyo ng tilapia sa P140 kada kilo.

Ganito rin ang galawan ng presyo sa Litex Market sa Quezon City, kung saan ang galunggong ay nagmahal sa P260 mula P200, tulingan sa P260 mula P200, alumahan sa P260 mula P240, at matambaka sa P240 mula P200.

Samantala, ang presyo ng kada kilo ng kamatis ay tumaas sa P100 mula P60, ampalaya sa P100 mula P80, repolyo sa P80 mula P60, at pechay baguio sa  P70 mula P60.  Hindi naman gumalaw ang presyo ng talong sa P60, at sayote sa P40.

Bagsak-presyo naman ang sibuyas dahil sa oversupply.

Ang dating P120 hanggang P140 kada kilo ay mabibili na lamang ngayon sa P60 sa local markets.

Nauna nang sinabi ni Department of Agriculture (DA) Regional Director Antonio Gerundio na maraming bagong magsasaka ang nagtanim ng sibuyas ngayom makaraang tumaas ang presyo nito noong nakaraang taon.

“Talagang nagdoble ang tinataniman ngayong taon na ito compared to last year,” sabi ni Gerundio.

Sinabi naman ni Mamburao Occidental Mindoro Mayor Angelina Tria na sa ngayon ay nasa P15 kada kilo na lang ang presyo ng ilang klase ng sibuyas.

Aniya, tumaas ng 12 porsiyento ang mga nagtatanim ng sibuyas sa kanilang lalawigan, at umabot na rin sa 241.8 ektarya ang tinaniman ng sibuyas.