(Sa pagsisimula ng kampanyang lokal) SECURITY PLAN NG PNP NAKALATAG NA

IT’S all system go”” para sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa nakatakdang pagsikad ng campaign period para sa mga local elective position sa buong bansa na magsisimula ngayong Biyernes.

Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, kasado na ang inilalatag nilang security plan para tiyakin na maging honest,orderly at peaceful ang lokal na pangangampanya.

Sinasabi pa na maging ang kampanya ng PNP laban sa mga private armed group ay nakalatag na rin.

Magugunitang nagkaroon ng pagpupulong ang COMELEC, PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) para makabuo ng kinakailangan security preparation kasama rito ang pagtukoy sa mga tinaguriang hot spots at areas of immediate concerns kabilang ang lugar o political clans na may private armed groups.

Sinabi pa ni Carlos na mahigpit na minomonitor ng pulisya ang private armed groups na hinihinalang minamantina ng mga pulitiko sa bansa.

Katuwang ang AFP ay mahigpit na tinututukan ng PNP ang mga kandidato na gumagamit ng PAGS partikular sa ilang areas na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, maging sa ilang lalawigan sa Bisaya at Luzon.

Samantala, para sa mga pulitikong may mga banta at nasa lugar na mahigpit ang tunggalian o may kasaysayan ng karahasan ay pinaghandaan din ng PNP.

Ayon kay Carlos , nakahanda na ang kanilang security package para sa incumbent local candidates na tumatakbo ngayong halalan at maging sa iba pang mga kandidato na may security threat,

Sinabi rin nito, nagkaroon ng pagpupulong kung saan ibinaba na ang specific actions hinggil sa security issue ng mga kandidato na nangangailangan ng dagdag na seguridad.

Nabatid na kinakailangan na sumailalim muna sa masusing threat assessment ang mga kandidato na humihiling ng dagdag na security detail mula sa PNP.

Ipinahayag ni Carlos na kanilang idi-deploy ang mga security escorts sa mga local candidates ilang araw bago magsimula ang local campaign.

” Ang deadline namin tomorrow kaya bago dumating yung March 25 may deployment kami depende doon sa assessment,” ani Carlos. VERLIN RUIZ