(Sa pagtaas ng kaso ng Delta variant) NCRPO INALERTO VS MASS GATHERINGS

INALERTO ni Phi­lippine National Police–National Capital Region Police Office (PNP-NCRPO) Director Maj Vicente Danao ang lahat ng district directors at unit commanders hinggil sa mas mahigpit na pagbabantay sa mass gathe­ring bunsod ng biglang paglobo ng COVID-19 Delta variant.

Ito ay matapos na paalalahanan ni PNP Chief General Guillermo Eleazar ang mga tauhan ng NCRPO na mahigpit na ipatupad ang quarantine rules at maging la­ging nakaalerto laban sa mga pagtitipon sa gitna ng banta ng COVID-19 Delta variant.

Nabatid na inatasan ni Danao ang kanyang mga tauhan na makipag-ugnayan sa mga local go­vernment unit sa kanilang nasasakupan hinggil sa hakbang ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat nang mas nakakahawa at nakamamatay na Delta variant.

Nabatid na nababahala ngayon ang OCTA research group kaya binabalaan ang publiko na dadalo sa mga pagtitipon sa posibleng pagsipa ng mga kaso ng mas nakahahawang variant.

“I am directing police commanders to be more vigilant in preventing the occurrence of social gatherings, which may be considered super sprea­der events that could lead to a high transmission rate of COVID-19,”ani Eleazar,

Sinabi pa nito, hihintayin nila ang magiging pasya ng pamahalaan sa posibleng pagpapatupad ng “circuit-breaker” o dalawang linggong lockdown sa Metro Manila.

“Maghihintay tayo ng desisyon mula sa IATF kung ipatutupad nila itong circuit-breaker lockdown. Nasa kamay nila ang desisyon hinggil sa bagay na ito at nakadepende sa suhestiyon at rekomendasyon ng mga eksperto,”diin ng PNP chief.

Nabatid na sumang-ayon si Health Secretary Francisco Duque III sa rekomendasyon na magpatupad ng “circuit breakers” sa harap ng local transmission ng Delta variant subalit tatalakayin pa ito ng IATF.

“Nakakalungkot na sa kabila ng paulit-ulit na paliwanag at mga ulat sa epekto ng COVID-19, lagi pa rin nauuwi sa sitahan at arestuhan na puwede namang hindi na kung isasapuso lang ng bawat isa ang pag-iingat at pagsunod sa mga alituntunin para sa sariling kaligtasan at pagrespeto sa karapatan ng ating kapwa na hindi mahawa,”ani Eleazar.

Sa ngayon, nakapagtala na ang Pilipinas ng kabuuang 119 kaso ng Delta variant. VERLIN RUIZ

2 thoughts on “(Sa pagtaas ng kaso ng Delta variant) NCRPO INALERTO VS MASS GATHERINGS”

Comments are closed.