(Sa pagtama ng 5.8M quake) KLASE SUSPENDIDO SA TUGUEGARAO CITY

ISABELA – IPINAG-UTOS ni Tuguregarao City Mayor Maila Ting-Que ang class suspension sa lahat ng antas sa kanyang nasasakupan kasunod ng pagtama ng 5.8 magnitude quake kahapon ng alas-10:49 ng umaga.

Sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), natunton ang epicenter ng tectonic in origin na lindol sa layong 15 kilometer sa Maconacon.

Habang naramdaman ang intensity 5 sa Tuguegarao City na siyang dahilan ng pagsuspinde ng klase para sa kaligtasan ng mga estudyante, guro ang school workers.

Iniutos din nito ang pagsasagawa ng evaluation and assessment sa mga gusali ng paraalan gayundin ang iba pang establisimiyento.

Samantala, nagsilabasan ang mga kawani at pasyente ng Cagayan Valley Medical Center mula sa ikaapat na palapag ng pasilidad dahil sa naranasang pagyanig.

Ayon kay Dr. Cherry Lou Antonio, chief medical professional staff ng CVMC, agad din na nagsagawa ng inspeksiyon sa mga gusali ang kanilang mga engineer para matiyak ang kaligtasan ng mga kawani at pasyente.

Samantala, sa inilabas na datos ng Philvolcs na naramdamang pagyanig sa mga sumusunod:
Intensity V – Penablanca, Cagayan; Intensity IV – Gonzaga, Cagayan;
Intensity III – Ilagan, Isabela; Intensity II – Casiguran, Aurora; Pasuquin, Laoag City, Batac, Ilocos Norte; Vigan City, Ilocos Sur; Santiago City, Isabela; Tabuk, Kalinga; Madella, Quirino;
Intensity I – Bangued, Abra; Diapaculao, Baler, Aurora; Narvacan, Ilocos Sur; Bayombong, Nueva Viscaya. IRENE GONZALES