TINATAYANG bibilis ang paglago ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon at sa 2023 sa likod ng tumataas na domestic investment at consumption sa gitna ng pagluluwag sa pandemic restrictions, ayon sa Manila-based Asian Development Bank (ADB).
Sa kanilang flagship publication, ang Asian Development Outlook 2022, sinabi ng multilateral lender na ang gross domestic product (GDP) ng bansa ay inaasahang lalago ng 6% sa 2022 at sisigla pa sa 6.3% sa 2023.
“The economic recovery is expected to gain traction this year and next, underpinned by strengthening domestic investment and consumption,” ayon sa ADB, tinukoy ang mga salik tulad ng pagbaba ng COVID-19 cases at ng pagsasailalim sa maraming lugar sa Alert Level 1.
Bagaman ang parehong projections ay mas mabilis sa 5.6% expansion na naitala noong nakaraang taon, ang projection para sa 2022 ay mas mababa sa 7-9% target band ng economic team, habang ang para sa susunod na taon ay pasok sa 6-7% range na itinakda para sa nasabing period.
Dagdag pa ng ADB, ang pagluluwag sa travel rules para sa fully vaccinated foreigners ay magpapalakas din sa tourism at employment sa services sector.
Gayunman ay nagbabala ang ADB na maaari pang magbago ang kanilang outlook dahil sa “unpredictable sequence ng global events” bunga ng Ukraine-Russia war.
“There is a significant risk that inflation could surge higher with second-round impacts, such as tightening credit markets and higher interest rates,” ayon sa ADB, na itinaas ang inflation forecast nito para sa 2022 sa 4.2% mula 3.7% estimate noong nakaraang December sa gitna ng tumataas na global oil prices.
Ang latest projection ng ADB ay mas mataas sa 2-4% target band ng Bangko Sentral ng Pilipinas para sa taon. Subalit tinataya nito na babagal ang inflation sa 3.5% sa 2023 sa inaasahang paghupa ng commodity costs.
“Heightened and extended geopolitical tensions will dampen global growth, including in advanced economies, particularly Europe and the United States, which are among the Philippines’ key export markets,” dagdag ng ADB.